Hindi umano maaaring obligahin ang pamahalaan na itaas sa Salary Grade 15 ang sahod ng mga nurse sa gobyerno nang walang legal na basehan, giit ni Solicitor General Jose Calida sa deliberasyon sa Korte Suprema nitong Martes.
Sa ginanap na oral arguments kaugnay sa petisyon ng Ang Nars Party-list na naggigiit na dapat itaas ang sahod ng mga government nurse batay sa Philippine Nursing Act, sinabi ni Calida na ibinasura na ng 2009 joint resolution ng Kongreso ang probisyon sa naturang batas tungkol sa pay hike.
Nakasaad sa Section 32 ng Philippine Nursing Act of 2002 na ang minimum base pay ng mga nurse sa mga public health institution ay dapat hindi bababa sa Salary Grade 15.
Pero ibinasura umano ang naturang probisyon sa bisa ng Joint Resolution No. 4.
Sa lumang batas, nakasaad na ang sahod ng Nurse I ay Salary Grade 10.
Noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinabing nagpalabas ang dating lider ng Executive Order No. 811, at ginamit ang first tranche ng modified salary schedule ng civilian personnel at base pay schedule ng military personnel, at modified position classification system.
Sa ilalim ng naturang kautusan, itinaas ang sahod sa entry-level nurse sa Salary Grade 11 mula sa dating Salary Grade 10.
"Absent a new legislative measure, there is no basis to grant entry-level nurses Salary Grade 15. Therefore the government cannot be compelled by way of mandamus to grant the salary grade prayed for," paliwanag ni Calida.
Para makadesisyon sa petisyon tungkol sa salary increase, kailangan magpasya ang mga mahistrado ng SC kung may batayan ang Congress joint resolution para sapawan ang probisyon sa isang batas.
"As confirmed by both the Senate and House of Representatives, there is no real difference between a bill and a joint resolution. Both are laws," ayon kay Calida.
Ipinaliwanag ni Calida na sa ilalim ng patakaran ng Senado, sumasalang sa parehong proseso ang ipinapasang panukalang batas at joint resolutions para maaaring nitong amyendahan o pawalang-bisa ang isang umiiral na batas.
Una rito, nais ng Ang Nars Party-list, na kinakatawan ni Leah Primitiva Samaco-Paquiz, na obligahin ang pamahalaan na ipatupad ang salary hike ng mga nurse sa bisa ng Philippine Nursing Act at pawalang bisa ang Executive Order No. 811.
Pero babala ni Calida, kapag itinaas sa salary grade 15 ang sahod ng Nurse I ay magkakaroon ng "inequity and wage distortion" sa medical at allied positions, dahil sa ilalim ng panukala ng party-list group, tatanggap ng mas mataas na sahod ang Nurse I kaysa sa government doctor (SG 14), at maging sa entry-level pharmacists, optometrists, occupation therapists, midwives, medical technologists, at dentists.
Inatasan ni Chief Justice Lucas Bersamin ang magkabilang panig na magsumite ng kanilang memoranda sa loob ng 20 araw. —FRJ, GMA News
