Binaril, patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Baseco Compound sa Maynila nitong Martes ng gabi.

Pahayag ng mga residente, isang putok ng baril ang kanilang narinig pasado alas-10 ng gabi, ayon sa ulat ng "Unang Balita", ngunit ayaw humarap sa kamera ang mga saksi.

Pero ayon sa mga residente, hindi nila nakita ang buong pangyayari dahil madilim ang lugar. Hindi rin daw nila kilala ang biktima dahil dayo ito sa kanilang lugar.

Isang basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang natagpuan sa crime scene.

Iniimbestigahan na ng mga tauhan ng homicide section ng Manila Police District ang insidente. —LBG, GMA News