Arestado na ang suspek sa pangaggahasa at tangkang pagpatay sa siyam na taong gulang na batang natagpuang nakatali at puno ng pasa sa ilalim ng tulay sa Cainta, Rizal, ayon sa ulat ni Bam Alegre nitong Miyerkoles sa Unang Balita.

Inaresto ang suspek na kinilalang si Pepito Tagal sa Barangay San Roque sa Cubao, Quezon City, matapos siyang ituro sa pulis at barangay officials ng kanya mismong asawa.

Ayon sa mga pulis, nakulong ng 13 taon ang suspek sa New Bilibid Prison dahil sa pagnanakaw at lulong din daw ito sa ipinagbabawal na gamot.

"May pumunta sa amin dito na concerned citizen na napanood daw niya sa TV itong lalaki na ito, so agad-agad kami pumunta sa may Boni Serrano, sa may 20th Avenue," sabi ng kagawad ng San Roque na si Ramil Singson.

Natagpuan ng mga awtoridad si Tagal na natutulog sa loob ng tricycle, kungsaan nakumpiska sa kanya ang isang ice pick at improvised Swiss knife.

Tinanggi ng suspek ang panggahasa at tangkang pagpatay sa bata.

“Wala akong alam na panggagahasa na 'yan…Hindi totoo iyon. Ako lang siguro yung tinuro nila kasi barkada ko yung tatay nun, “ sabi ni Tagal.

Natagpuan ang halos agaw-buhay na biktima na puno ng pasa at nagsusuka ng dugo sa ilalim ng tulay. Sa isang video, kinumpirma ng bata na sinakal at ginahasa nga siya.

Nakuha sa ilalim ng tulay ang mga drug paraphernalia tulad ng lighters at foil. Pinaniniwalaang hideout ng mga gumagagamit ng droga ang lugar. —Joviland Rita/KBK, GMA News