Nasabat sa bahay ng kinakasama ng isang "self-confessed" na drug lord sa Cebu ang matataas na kalibre ng armas noong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, sa bisa ng isang search warrant ay sinalakay ng mga awtoridad ang naturang bahay ng target na si Franz Sabalones sa Barangay Tunghaan, Bayan ng Minglanilla.

Hindi siya naabutan doon pero nakuha ng mga operatiba sa master's bedroom ang isang KG-9 submachine gun, granada, M4 rifle, at .45 kalibre na baril na kargado ng mga bala.

Itinanggi ni Wenefrida Misa, live-in partner ni Sabalones, na pag-aari niya ang mga nakumpiskang armas.

Matagal na rin daw silang hiwalay ng suspek at wala nang komunikasyon. Pinatira lang umano sila ng ina nito sa naturang bahay kasama ang dalawa nilang anak ni Sabalones.

Hindi naman inaresto ng mga awtoridad si Misa dahil hindi siya ang pakay sa search warrant.

Malakas umano ang kutob ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) na sa malapit na lugar lang nagtatago ang suspek. —Dona Magsino/ LDF, GMA News