Nasira ang motorsiklo at nagtamo ng mga galos at pasa ang isang 17-anyos na rider matapos umano siyang banggain at bugbugin ng motorista na binato niya ng screw driver ang sasakyan sa Antipolo City. Ang mga suspek, itinanggi naman ang paratang.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ng rider na binabagtas niya ang Marcos Highway nang mangyari ang insidente at makasabay ang mga umano'y nanakit sa kaniya.
"Bigla po silang nag-cut nang sobrang bilis, walang signal light papunta po dun sa lane ko. May screw driver po ako sa motor, kinuha ko po then binato ko po sa salamin ng kotse po. Then humarurot na ako bigla," ayon sa binatilyo.
Hinabol umano siya ng naturang kotse at nang abutan ay binangga raw ang kaniyang motorsiklo kaya nasira.
Pero hindi raw doon natapos ang pananakit sa kaniya dahil bumaba pa raw ang tatlong sakay nito saka siya pinagtulungang bugbugin.
Itinanggi naman ng mga sakay ng kotse ang paratang na binangga at binugbog nila ang rider.
"Nag-U-turn po siya doon. Dire-diretso po ako, hindi ko po siya pinagbigyan para maka-go. Ang ginawa po niya pagdating sa tapat ng Santa Lucia ay may barrier na nakaharang sa island, doon ako binato ng screw na sinasabi niya. Hinabol namin siya kung bakit niya kami binato," ayon kay Ace Beltran, isa sa mga umano'y nanggulpi.
"Ginigiliran po namin siya para tumabi siya so ginawa niya may lumabas na sasakyan sa Samsonville, nataranta siya, napaganoon po siya sa amin kaya nalaglag ang side mirror namin," dagdag pa niya.
Kinilalang sina Ryan Gamir at Ken Advincula ang dalawa pang kasama ni Beltran.
Kinumpirma naman ng isang saksi na nakita niyang tinatadyakan ang isang malaking lalaking kalbo ang rider.
Dahil magkaiba ang bersyon ng dalawang panig sa insidente, naghahanap pa ng CCTV footage ang pulisya na magsisilbing matibay na ebidensya kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Desidido naman ang dalawang kampo na maghain ng reklamo.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang rider dahil sa mga galos na natamo sa insidente.-- FRJ, GMA News
