Patay ang isang pulis habang isa pa ang sugatan matapos tambangan ang sinasakyan nilang patrol car sa Samar, ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Balitanghali nitong Lunes.
Pabalik na raw sana sa kanilang istasyon ang dalawang tauhan ng Samar Police nang biglang may sumabog na improvised explosive device (IED) sa kalsada ng Sitio Malatugawe, Barangay Poblacion 1 sa bayan ng Motiong.
Pinaputukuan din ang dalawang pulis ng mga nasa 50 raw na kabataan, ayon sa Samar police director na si Police Colonel Dante Novicio.
Agad namatay si Police Staff Sergeant Glen Menianu, habang ginagamot naman ang sugatan na si Patrolwoman Jane Abejar.
Tuloy pa rin ang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek. —Joviland Rita/ LDF, GMA News
