Nagtapos bilang cum laude ang isang anak ng magsasaka sa Camarines Sur na kahit sa murang edad natututo nang kumayod para lang makapasok sa eskuwelahan, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes.

ADVERTISEMENT

Parehong hindi nakapagtapos sa pag-aaral ang mga magulang ni Ariel Quiom kaya naman hindi naging madali ang buhay nila sa bayan ng San Fernando.

"Naglalakad kami ng mahigit isang oras papunta sa bundok, sa farm po para tulungan sila mama. Magkakarga po ng mabibigat na bagay. 'Yung papasok ka sa school nang walang baon,” kwento ni Quiom.

Nabigyan ng pagkakataong makapag-aral si Quiom sa kolehiyo nang makakuha siya ng scholarship sa Ateneo De Naga University.

Sa kabila ng hirap at kahit minsa’y hindi nakakain, nagpursige si Quiom kaya ang anak ng magsasaka, nakapagtapos bilang cum laude sa kursong accountancy.

"Yung hirap na pinagdaanan po nila mama at nila papa, parang sila po yung naging inspirasyon talaga na gusto kong makatulong sa pamilya ko. Nakayanan ko po. Grumaduate po akong cum laude kaya masaya po ako,” sabi ni Quiom. —Joviland Rita/LDF, GMA News