Patay ang isang umano'y holdaper na nang-agaw ng pera ng isang babaeng bumibili ng gamot para sa tatay niya, nang makipagbarilan siya sa mga pulis sa C3 Road, Brangay 21, Caloocan City.

Sa ulat ni Cecile Villarosa sa Balitanghali Weekend nitong Sabado, sinabi ng babaeng biktima na patawid siya noon ng C3 Road malapit sa 5th Avenue para bumili ng gamot ng kaniyang tatay sa botika.

Maya-maya pa, bigla na siyang inakbayan ng salarin.

"Tinutukan niya po ako ng baril, ginilid niya po ako du'n sa madilim pong banda na eskinita tapos po nag-declare po siya ng hold-up," anang biktima.

Nakuha sa kaniya ang cellphone at pitaka na may P1,200 na pambili sana ng gamot.

Nagsumbong ang babae sa mga awtoridad na agad tinugis ang suspek, habang kasama rin ang biktima sa kanilang mobil.

Inabot ng halos apat na oras ang paghahanap sa suspek hanggang sa matiyempuhan siya sa C3 Road.

Nang akmang aarestuhin na siya ng pulis, nagpaputok umano ito ng baril kaya gumanti ang mga awtoridad.

Maririnig sa isang cellphone video ang magkakasunod na putok ng baril sa pagtugis sa suspek.

Ilang saglit pa, tumambad na ang nakahandusay na katawan ng hindi pa nakikilalang salarin.

"Talagang marami pong nangyayaring holdapan sa C3 na 'yun because nakita niyo naman 'yung area, daanan ng truck, at the same time 'pag nag-traffic madilim 'yung area, may opportunity sila na gumawa ng krimen," sabi ni Police Captain Jervies Soriano, hepe ng Special Operations Unit ng Caloocan Police.

Isang revolver at pitakang may lamang pera ang nakuha sa suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News