Nagsisigaw, pumalag at humiga pa sa kalsada ang isang lalaki na bistado umano sa buy-bust operation na nagbebenta ng iligal na droga sa Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing inaresto si Emanuel Leonardo, nang magpositibong bentahan niya ng halagang P500 shabu ang police asset sa tapat ng isang convenience store sa Holy Spirit Drive sa Quezon City.
Pero nang poposasan na, nagpumiglas si Leonardo at nagsisigaw hanggang sa mahiga pa sa kalsada dahil sinasaktan daw siya ng mga umaaresto sa kaniya.
Wala namang nagawa ang pagmamatigas ng suspek at dinala pa rin siya sa presinto kung saan itinanggi pa rin niya ang paratang laban sa kaniya.
"Hindi po ako nagbebenta. Kung nagbebenta po ako may nakita sa akin, eh wala nga po eh," giit niya.
"Hindi po ako gumagamit. Kahit i-drug test n'yo po ako," dagdag niya.
Nakuha umano sa suspek ang limang sachet ng shabu kabilang ang nabinili sa kaniyang droga.
Sa isa pang buy-bust operation sa parehong barangay, naaresto naman sina Jerome Moreto at Jerold Litonjua matapos mabilhan ng P200 halaga ng droga.
May nasabat din sa kanila na anim na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P21,000.-- FRJ, GMA News
