Nahanap na ang nawawalang sasakyan ng babaeng Grab Driver na natagpuang patay sa ilalim ng lababo ng isang condominium unit sa Rizal.

Inilahad ng pulisya na natagpuan ang sasakyan ni Maria Cristina Palanca sa Lucena, Quezon mag-aalas onse ng Martes, ayon sa ulat ng GMA News "Balita Pilipinas."

Ayon pa sa mga awtoridad, isinanla ng suspek na si Paolo Lagardo ang sasakyan sa isang kakilala nito.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang relasyon ng biktima sa suspek, ngunit nauna nang sinabi ng ng mga awtoridad na posibleng kakilala ni Palanca si Lagardo.

Makikita sa CCTV noong ika-23 ng Mayo na may isang sasakyan ang dumating at pumarada sa isang condominium unit sa bayan ng Cainta.

Bumaba ang Grab driver na si Palanca, at ito na ang huling pagkakataong nakita siyang buhay.

Matapos ang isang oras, lumabas ang tenant ng unit na si Lagardo na sumakay ng sasakyan ng biktima at umalis.

Makalipas ang tatlong araw, iniulat ng mga residente ang masangsang na amoy mula sa sa nirerentahanng unit ni Lagardo. Nang siyasatin ng mga awtoridad ang lugar, nakita sa ilalim ng lababo ang bangkay ni Palanca.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News