Sugatan ang isang ginang at dalawa niyang anak matapos pagtatagain ng nakaalitan nilang kamag-anak sa Olongapo City dahil sa away sa lupa.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV “Balitanghali” nitong Lunes, sinita ng biktimang si Marilou Carias ang biyenan niyang lalaki matapos harangan ang daanan palabas ng kanilang compound.
Minasama raw ito ng bayaw niyang si Editor kaya humantong sa pananaga.
Dala ang dalawang itak, sinugod ng suspek ang mag-iina. Sinubukan daw pigilan ng anak ni Marilou na si Jerome ang nagwawalang tiyuhin kaya napagbuntunan siya ng galit.
Nataga si Jerome sa kamay, leeg, at tagiliran. Nadamay rin ang kapatid niyang si Sidney.
Nasugatan naman sa balikat at likod si Marilou.
Sa halip na umawat, sinabunutan pa umano siya ng kaniyang biyenan.
Masama naman ang loob ng padre de pamilyang si Nomer dahil sa sinapit ng kaniyang mag-iina. Nasa trabaho raw siya nang mangyari ang insidente. Hindi niya akalaing sarili niya pang kapatid at ama ang mananakit sa kaniyang pamilya.
“Kasama ‘yung tatay ko, pinagtulong-tulungan nila ‘yung pamilya ko. Gusto ko po siyang mahuli, panagutan niya ‘yung kasalanan niya,” ayon kay Nomer Carias.
Tinutugis na ng pulisya ang suspek habang nagpapagaling naman ang mga biktima. —Dona Magsino/NB, GMA News
