Isang dating batang lansangan sa Pasay City na pumanaw kinalaunan dahil sa isang karamdaman ang idineklarang 'Servant of God' ng Vatican. Una itong hakbang sa mahabang proseso ng paghirang sa mga idinideklarang santo.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing 1994 nang isilang si Darwin Ramos.

Sa murang edad, nangalakal ng basura at namalimos siya para makatulong sa pamilya. Ginawa niya ito kahit pa nagsimula na niyang karamdamang Duchenne Muscular Dystrophy, na nagpahina sa kaniyang katawan.

Nang maging 12-anyos si Darwin, makilala siya ng grupong "Tulay ng Kabataan," na tumutulong sa mga batang lansangan.

Nanirahan siya sa isa sa mga center ng grupo at makalipas ang isang taon, nagpabinyag siya bilang katoliko.

Pero sa pagdaan ng panahon, lumala ang kondisyon ni Darwin, at pumanaw siya sa edad na 17 noong 2012.

Si Maria Canares, coordinator ng Tulay ng Kabataan, inilarawan si Darwin na mabait, madasalin at maalalahanin.

Sa kabila ng kaniyang karamdaman, hindi raw niya nakitang nagreklamo at dumaing si Darwin. Sa halip, ang malalim na pananampalataya niya sa Diyos ang mababakas.

Ipinagkatiwala rin niya sa Diyos ang kaniyang buhay na Siyang nakakaalam sa lahat.

Ang pamilya ni Darwin, itinuturing nang isang milagro ang kabutihan ng binatilyo at matibay na pagmamahal niya sa Diyos.

"Kahit meron na siyang sakit nakayanan niya.  Napakasuwerte talaga na bossing na nagkaroon ako ng anak na ganu'n kabait," sabi ni Erlinda, ina ni Darwin.

Saad naman ng nakakabatang kapatid ni Darwin na si Marimar, ang nakukuhang barya ng kaniyang kuya sa panlilimos, ibinibigay sa kanila.

"Iba po talaga 'yung pagkatao ng kuya ko. Halos lahat nasa kaniya na--pagiging mabait, matulungin, masayahin," kuwento ni Marimar, na nagsabing hindi marunong magreklamo si Darwin at laging nananalangin.

Ayon kay Bishop Honesto Ontioco ng Diocese of Cubao, si Darwin ay isang halimbawa ng kabanalan.

Isang batang lasangan na may myopathy, naging malapit kay Kristo sa harap ng kaniyang paghihirap at kasiyahan.

Sa pahintulot umano ng Vatican, hawak na ng tinatawag na Apostolator ang diary at mga personal na gamit ni Darwin para sa mas malalim na pagkilala sa dating batang lansangan.

Kakausapin din ang mga taong nakakakilala sa kaniya para mas makilala pa siya nang lubos.-- FRJ, GMA News