Isang bilanggo na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa droga ang nasawi sa loob ng Manila Police District (MPD) Station 4 detention cell dahil umano sa sepsis o impeksyon sa dugo. Ngunit  ang misis ng preso, duda sa dahilan ng pagkamatay ng asawa dahil mayroon daw itong mga pasa sa katawan.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing isinugod sa ospital ang biktima matapos siyang magreklamo ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.

Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

"Dinala siya ng mga alas-5 ng madaling araw. Pagdating ng before 9 a.m. na-inform kami na namatay na 'yung tao. Base du'n sa findings ng ating attending physician, namatay siya sa sepsis o impeksyon sa dugo," ayon kay Police Captain Philipp Ines, PIO, MPD Station 4.

Makikita sa detention cell ng nasabing estasyon na mayroong mga electric fan na nakatodo ang buga ng hangin at may ilang siwang din sa pader na may isang dangkal ang lapad para mahanginan ang mga bilanggo.

Napag-alaman na naaresto ang nasawing preso noong Hunyo 14 dahil umano sa pagkakadawit sa ilegal na droga.

Giit ng MPD Station 4, walang malaki o kapansin-pansing sugat sa katawan ng biktima bago siya ipasok sa selda. Maaaring nakaapekto umano sa kondisyon ng inmate ang pagiging siksikan ng mga bilanggo sa kulungan.

"Ang capacity lang talaga ng aming detention cell dito, 'yung lock-up cell dito ay kwarenta, 40 lang na individuals. Kaya lang dahil sa talagang mataas ang arrest natin, umaabot tayo ng 100 plus," ayon kay Ines.

Nakapanayam ng GMA News sa telepono ang nagpakilalang asawa ng nasawing bilanggo, na hiniling na huwag nang isapubliko ang pangalan at larawan ng asawa.

Sabi niya, may nakita siyang mga pasa sa dibdbib, likod, at leeg ang biktima ng kaniyang asawa.

Sinabi ng pulisya na hihintayin muna nila ang resulta ng autopsy para matukoy kung may nangyaring foul play.

"Open kami sa lahat ng pag-iimbestiga. Hintayin natin kung ano lalabas sa autopsy," ayon kay Ines.

Samantala, nakipag-usap na ang MPD Station 4 sa isang contractor para remedyuhan ang ventilation sa loob ng selda nito.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News