Lumabas sa isang pag-aaral sa Amerika na may malaking epekto sa mental health ng college students ang pagpupuyat, ayon sa ulat ni Katrina Son sa State of the Nation ng GMA News nitong Miyerkoles.

Batay ang resulta sa pananaliksik ng isang grupo sa University of Arizona sa mahigit 100,000 college students. Nakita sa pag-aaral na may 20 porsyento na tsansa na makaranas ng sintomas ng mental health conditions, katulad ng depression at anxiety, ang mga estudyante sa kolehiyo na kulang sa tulog.

Ayon sa eksperto, pito hanggang siyam na oras ang kalingan na tulog ng isang tao. May kakayahan daw na magpanumbalik ng enerhiya ang sapat na tulog.

“Kasi ang sleep, restorative. It restores your energy. While you’re sleeping, the cells in your body reenergize itself,” sabi ni Cristina Lope Y. Rosello na isang existential-phenomenological psychologist.

Dagdag pa niya, may epekto rin daw ang puyat sa emosyon ng isang tao.

“The reasoning brain is affected by the lack of sleep. So kung affected ang reasoning brain—yun ang nagko-control ng emotional brain, yung amygdala—so kung kulang ka sa tulog, hindi mo rin mako-control yung emotions mo,” ani Rosello.

Maarin din raw itong mag-resulta sa mood swings at pagiging iritable at magagalitin.

Para sa maayos na pagtulog, hinihikayat na subukan ang mga sumunod: Bawasan ang paggamit ng gadgets dalawa hanggang tatlong oras bago matulog, matulog sa parehong oras araw-araw, uminom ng gatas o tubig, mag-breathing exercise, at mag-meditate.

Maganda rin daw kung matutulog na nakapatay ang ilaw at sa tahimik na paligid.

Kung limitado lang talaga ang nakalaan na oras sa pagtulog dahil sa pag-aaral at trabaho, makatutulong daw ang pag-idlip ng 15 minuto o pag-meditate ng isang oras, ayon sa eksperto. —Joviland Rita/KBK, GMA News