Nag-viral ang Facebook post tungkol sa isang Grab Food rider na "na-1-2-3" ng nag-book sa kanya ng dalawang boxes ng 14-inch pizza, kaya nilantakan na lamang ng mga kasama na niya ang order.

Sa ulat ng "Unang Balita," sinabi ni Jann Ashley Gabad na nag-ambag-ambag na lamang ang mga kasama ng biktima upang maibalik ang pinuhunan nito.

"Kasi yung kaibigan namin may nag-book ng dalawang 14-inch na pizza, na order nya na yung pizza, noong ide-deliver na nya hindi na ma-contact yung customer. Pagdating nya dun sa address, walang customer, no-appearance talaga," ayon kay Jann, na Grab Food rider at isa ring tattoo artist.

Aniya, part-time niya ang pagga-Grab Food, at sapat lang din daw ang kita nila sa pagiging rider.

Dahil mula sa sariling bulsa ng mga rider ang ginagamit na pang bayad sa mga order, kaya panawagan nila: "Kung o-order kayo, sana makipag-usap din kayo ng maayos. Naaarawan kami, nauulanan, pumipila kami ng mahaba sana pakisamahan lang."

Nilinaw naman ng Grab na naka-automatic disable ang cancel button once nagsabi na ang rider na nakapag-order na siya.

Pahayag ni Nicka Hosaka, public affairs manager at spokesperson ng Grab Philippines, maaari lang mag-cancel ang customer sa loob ng limang minuto habang papunta ang rider sa pagbibilhan ng pagkain.

Kung sakaling hindi nagparamdam o hindi nagpakita ang nag-order, maaari raw dalhin ang nabiling pagkain sa opisina ng Grab sa Makati upang ma-reimburse.

Nagpaplano ang Grab na pag-multahin o suspendehin ang account ng mga pasaway na customers.

Maaari din umanong magkaroon ng timeout o masu-suspend yung pag-gamit nila ng App, lalo na yung madalas na mag-cancel o mag-no-show, at tinitingnan din nila yung possibility na pwedeng magkaroon ng monetary penalty sa mga pasaway.

Pinag-aaralan rin daw ng grab ang pagdadagdag ng mga food hub upang sa ganun hindi na kinakailangan pang pumunta ng rider sa Makati upang magpa-reimburse. —LBG, GMA News