Nabiktima umano ng tinatawag na "rent-tangay" ang singer na si Kris Lawrence.

Ayon sa ulat sa Unang Balita ni Darlene Cay nitong Biyernes, hindi pa naibabalik ang sasakyan ni Kris na wala pang tatlong buwan mula nang kaniyang bilhin.

Kuwento ni Kris, isang Jumaril Buenaventura ang huling umarkila ng kaniyang kotse.

Sabi ng singer, mula June 21 hanggang June 25 lamang dapat naarkila ang kaniyang sasakyan.

"On June 21st, Jumaril Buenaventura, she rent the car and it was supposed to be until June 25 and meron po akong GPS sa mga sasakyan ko. Nung 24 naka-offline na so ibig sabihin either naputol or nasa area siya na walang signal," sabi ni Kris.

Doon na raw kinutuban ng masama si Kris kaya't nagpasya ang kaniyang manager na si Jake na tawagan si Jumaril subalit hindi nila ito mahanap.

"We're contacting her. My manager Jake is contacting her. She's nowhere to be found," ani Kris.

Sa araw na dapat isasauli ang sasakyan, nag-chat daw si Jumaril sa Facebook upang magpa-extend pa ng isang araw. Dahilan nito, nawala ang kaniyang cellphone kaya't hindi siya ma-contact nila Kris.

Napagkasunduan ng dalawang kampo na magkikita sila nang sumunod na araw upang isauli ang sasakyan subalit, apat na oras ang hinintay ng kampo ni Kris ngunit walang Jumaril na sumipot.

Pumunta rin ang kampo ni Kris sa tahanan nina Jumaril. Nakausap nila ang mga magulang nito pero hindi rin alam ng mga ito kung nasaan ang anak.

"Jake went to her house and talk to the parents. To our surprise, hindi din nila alam... medyo matagal din nila hinahanap, di pa umuuwi," sabi ni Kris.

Nagtungo rin daw sila sa pinatatrabahuhan nito subalit naka-paid leave daw si Jumaril.

Samantala, ipinost naman nila ang naging karanasan sa mga car rental groups sa Facebook at may mga nag-react nga raw na umano'y mga nabiktima rin ni Jumaril.

"When Jake posted the picture of the girl, may mga nag-react na nakunan din sila ng sasakyan just last week," sabi ni Kris.

Desidido si Kris na sampahan ng kaso si Jumaril. Dumulog na sila sa Pasay police at Philippine National Police - Highway Patrol Group ukol sa insidente. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News