Arestado ang isang babae sa Makati City sa entrapment operation matapos siyang ireklamo ng pangingikil ng isang Irish national makaraan daw silang magtalik. Panakot umano ng suspek, sasabihin niya sa misis ng dayuhan ang nangyari sa kanila kapag hindi nagbigay ng pera ang biktima.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Marilyn Mamucod, na dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa inilatag na entrapment operation.
Kuwento ng Irish national, dumating siya sa Pilipinas noong Oktubre at nakilala si Mamucod sa internet. Nang magkamabutihan na, magkita daw sila at nagtalik.
Doon na umano nagsimulang takutin ni Mamucod ang dayuhan at hiningan niya ito ng pera.
"She showed a picture of my wife in Facebook and said 'I will send a message to your wife saying we've been having sex,'" ayon sa biktima.
Umabot na aniya ng libo-libong piso ang nahingi ng suspek sa kaniya.
"She's always asking for more. It started at P10,000 and then she started looking for P20,000. There was one time I paid P5,000 and she just said 'Too little, can't be bothered to go and collect,'" saad pa ng Irish.
Itinanggi naman ni Mamucod sa paratang sa kaniya, at sinabing nangako sa kaniya ang dayuhan na magbibigay ng tulong pinansyal sa kaniya.
"May usapan kami... ganu'n, magbibigay siya. Siguro baka napuno na, ganu'n, nagsawa. Dapat sinabi na lang niya," anang suspek.
"She said that I've promised to help her, maybe I did say that I'll help her in the begining but it wasn't against threats," paliwanag naman ng biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
