Patuloy ang pagpapalawig ng Department of Transportation at TESDA para sa kanilang proyektong Tsuper Iskolar.

Nailunsad na ito sa ilang bahagi ng bansa bilang paunang hakbang para sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

Hangarin nitong palawigin ang kaaalaman at kakayahan ng mga driver, upang magkaroon pa ang mga ito ng ibang oportunidad pangkabuhayan sakaling iwan ang pagmamaneho.

Ayon kay DOTR Usec. Mark Richmund De Leon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita ngayong Biyernes, target ng ahensya na matulungan ang 14,000 beneficiaries sa inisyal na programa.

Si Ranilo, isang high school undergrad, tanging sa pamamasada lang daw niya kinukuha ang pang-araw araw na gastusin ng kanyang pamilya mahigit labing isang taon na.

At kung mabibigyan daw siya ng pagkakataon na makapag-aral muli, tatanggapin niya raw ito.

Pasok din ang isa hanggang dalawang dependents ng mga tsuper kada pamilya.

Wala raw babayaran at may allowance pa ang scholarship, ayon kay TESDA NCR regional director Conrado Bares.

Nasa tatlong linggo hanggang isang buwan naman daw tinatagal ang pag-aaral sa TESDA depende sa kurso.

Maaari silang mag-avail ng anumang kursong nais sa TESDA.

Pero panawagan ng ahensya sana ay pumili sila ng mga kursong may kinalaman sa construction at agriculture para sa build build build program at security. —JST, GMA News