Arestado sa Las Piñas ang siyam na Tsinong kabilang umano sa kidnap for ransom group na nambibiktima ng mga kababayan din nila.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA "24 Oras" nitong Martes, naabutan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek sa kanilang hideout.

Nakita rin sa loob ng isang kwarto ang mga dinukot umanong Tsino na nabaon sa utang dahil sa pagkatalo sa casino.

Nakaposas sila at underwear lang ang suot na damit.

Nakuha sa bahay ang isang caliber .45 at .38 na baril, panguryente, at mga posas.

Ang isa sa mga biktima, ipinakita ang mga latay sa kaniyang likod at ang paso ng sigarilyo sa kanyang braso.

Apat pang suspek na Tsino na tatakas sana ang nahuli matapos paputukan ng mga operatiba ang gulong ng kanilang sasakyan.

Ayon sa mga awtoridad, modus ng sindikatong ito na magpautang ng pera sa mga kapwa Tsino na naglalaro sa casino.

"Bibigyan nila ng puhunan, magka-casino, kung matalo, sisingilin nila almost double the amount. Kung 'di makabayad, kukunin na sila, dadalhin sa isang safe house, doon to-torture-in," ayon kay Agent Raymond Macorol ng NBI.

"They will show these pictures and torture marks sa family sa China," ayon kay Agent Raymond Macorol ng NBI.

Mahaharap sa kasong kidnapping ang mga suspek habang inaalalayan na ang walong nasagip na dayuhan para makauwi silang ligtas sa China.

Inaalam na ng NBI kung sino ang nagpopondo sa naturang sindikato. —Dona Magsino/NB, GMA News