Nasawi ang isang dalagitang Grade 9 na honor student at scholar pa man din nang mabangga siya at iwan na lamang ng isang rider sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ann Valerie Carreon o Abby, 14-anyos.
Labis ang paghihinagpis ng kaniyang mga kaanak lalo't parang hindi tao na basta na lamang iniwan si Carreon na nakahandusay sa kalsada ng nakabunggong rider.
"Hinihingi ko lahat ng tawad sa kanya. Kung ano man 'yung pagkukulang ko, hindi ko siya naipagtanggol lalo na sa pangyayaring ito. Wala akong nagawa," sabi ni Oscar Carreon, tatay ng biktima.
Nangyari ang insidente noong nakaraang Sabado ng umaga kung saan kagagaling lang ng dalagita at ng kaniyang nanay sa simbahan.
Inutusan muna ang dalagita na bumili ng tinapay bago umuwi.
Makikita sa CCTV na tumatawid na si Abby pero nabangga siya ng motorsiklo.
Natumba ang dalagita at humampas ang kaniyang ulo sa kalye. Pero sa halip na tulungan, tinignan lamang siya ng rider na mabilis ding tumakas pagkatapos.
Nakita ang mukha ng salarin at plaka ng kaniyang motorsiklo.
"Nilingunan lang siya ng rider, iniwan na siya, hit and run. Pagkatapos nu'n, may kasunod na kotse, dalawa, nakita namin sa CCTV, iniiwasan 'yung anak ko na nakahandusay sa kalsada, hindi namin lahat kung hinabol 'yung nakabunggo o iniwasan na ayaw niya ding madamay sa usapang ganoon," sabi pa ni Oscar Carreon.
Isang tricycle driver na nakakita sa dalagita ang nagmalasakit na dalhin ito sa ospital.
Na-comatose si Abby at makalipas ang halos tatlong araw, pumanaw din siya.
"Gustong gusto ko na mabigyan siya ng katarungan sa nangyari sa kaniya. Ang dami niyang taong sinaktan sobra (tatalikod sa pagkaemosyonal)," sabi ni Oscar Carreon, tatay ng biktima.
Pangarap ni Abby na maging guro, kaya labis ang panghihinayang ng kaniyang mga magulang.
May lead na ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek, at ipinakalat na ng barangay ang mga litrato nito. —Jamil Santos/NB, GMA News
