Naging pahirapan ang paghahanap sa dalawang pugante ng Quezon City Jail nitong Sabado lalo't mabaho at napakarumi ng drainage na pinaniniwalaang dinaanan nila para makatakas.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, makikita ang sobrang pagod at napakaduming mga lalaki na sinuong ang isang maliit na lagusan papunta sa imburnal para tulungang hanapin ang mga puganteng sina Mamerto Vanzuela at Dennis Valdez.

Pero hindi namataan ang dalawang preso sa madilim at malawak na loob ng lagusan.

May kasong illegal possession of drugs and firearms si Valdez samantalang rape naman ang kaso ni Vanzuela.

Tiniyempuhan umano ng dalawang preso ang pagtakas habang abalang isinasagawa ng mga jail guard at mga opisyal ang Metro Manila Shake Drill.

"Based din sa experience ng BJMP doon sa mga previous na escape incidents natin, magkasya lang ulo makakalabas na 'yan eh. Nasa likod lang 'yan ng police station and nandu'n naman 'yung mga personnel natin... anticipating du'n sa conduct ng earthquake drill natin," sabi ni Jail Chief Inspector Xavier Solda, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang mga posible pang drainage na dinaanan ng mga pugante, pero problema ang pagiging madilim at mabaho sa ilalim kaya naging pahirapan ang paghahanap.

Ayon sa mga awtoridad, mahigit tatlong lugar ang posibleng labasan ng mga pugante.

Sa ngayon, wala pang impormasyon kung nakalabas sina Vanzuela at Valdez sa pinasukang drainage system.

"Ayon doon sa mga personnel natin na humabol, pumasok din mismo dito sa drainage system, napakabaho talaga. Tapos maski sila hindi na sila nagtagal doon sa loob kasi kinulang na sila ng hininga... 'Yung oxygen level doon sa ilalim napakababa," ayon pa kay Solda.

Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang warden ng Quezon City Jail pero tumanggi ito. —Jamil Santos/KG, GMA News