Dahil sa nangyari sa trans woman na si Gretchen Custodio Diez na naging biktima umano ng diskriminasyon, iminungkahi ng isang kongresista na maglagay ng hiwalay na banyo para sa LGBTQIA+ community.
"I think the only solution there is to also come up with another restroom for the third sex. Tawag natin third sex. So that hindi tayo nagkakaroon ng problema," sabi ni 1-PACMAN party-list Representative Eric Pineda sa pulong balitaan nitong Huwebes.
Ito umano ang nakikita niyang solusyon para mawala ang agam-agam ng LGBTQIA+ kapag gumamit ng banyo ng pambabae o panglalaki.
"Kasi siyempre yung mga kapatid natin from the LGBT, naiilang sila pumunta sa men's room. Feeling nila baka pagtawanan sila doon or whatever," saad niya. "Sa akin mas maganda yung ganun na we come up with another restroom for our brothers and sisters from the LGBT."
Aminado si Pineda na naiilang siya kapag may janitress na pumapasok sa palikuran ng lalaki para maglinis.
Si PBA party-list Representative Jericho Nograles, wala umanong nararamdamang pagkailang kapag may janitress na naglilinis sa banyo.
"For me, I go to the male restroom like anybody else, I don't care," aniya. "Meron ngang naglilinis diyan na janitress habang nasa CR ako ng isang mall... hindi ako naiilang."
"It really depends, it's a matter of people's tolerance. I have the right to feel okay. Cong. Pineda has the right to feel not okay about it. But no one has the right na mambugbog," paliwanag niya.
Sinabi rin ni Nograles na mayroon nang mga banyo na para sa lahat ng kasarian tulad sa Clark International Airport.
"That is a government facility and then you'd see an all-gender restroom, hindi yan pinagbabawal ng batas," ayon sa mambabatas.
Naging kontrobersiyal ang kaso ni Diez na gumamit ng banyo ng babae pero pinalipat siya ng isang janitress sa banyo ng lalaki. Nangyari ang insidente sa isang mall sa Quezon City.
Nauwi sa mainit na pagtatalo ang kanilang debate tungkol sa karapatan ni Diez na gumamit ng banyo ng babae at dinala siya sa himpilan ng pulisya.
Naghain na ng resolusyon si Bataan Representative Geraldine Roman para imbestigahan ang insidente.
Si Roman ang kauna-unahang trans woman na nahalal sa Kongreso.
"Nanawagan ako sa kapwa ko mambabatas, kung kayo naibibigay ninyo sa akin yung basic need ko, hinahayaan ninyo akong umihi sa CR ng babae sang-ayon sa aking gender identity, bakit niyo ipagkakait sa mga ibang mga transwomen, transmen, sa mga LGBT?," pahayag niya sa nakaraang pulong balitaan.
"Ako'y naniniwala na kung anong respeto ang binibigay sa akin ng aking mga kapwa mambabatas ay ibibigay din nila sa kapwa Pilipino na nagkataon lang na LGBT," dagdag niya. — FRJ, GMA News
