Nakauwi na sa Pilipinas at emosyonal na ikinuwento ng tatlong magkakapatid na senior citizens ang masaklap nilang karanasan. Una rito, iniulat ng kanilang mga kaanak na "nawawala" sa China ang tatlo matapos na makansela ang kanilang biyahe pauwi sakay ng eroplano ng China Eastern Airlines.

Sa ulat ni Darlene Cay Sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang tatlong makakapatid dakong 11:30 p.m. nitong Linggo.

Pero bago nito, humingi ng tulong sa media ang mga kaanak ng magkakapatid na Pacita de Duzman, 77-anyos, Josefina Varela Baysic, 70, at Erlinda Varela Guce, 72, upang mahanap sila sa China dahil wala silang komunikasyon sa mga ito ng higit isang linggo.

Pawang mga retiradong guro ng Commonwealth Elementary School sa Quezon City ang tatlo at pauwi na sana sa Pilipinas galing sa Amerika sakay ng eroplano ng China Eastern Airlines.

May connecting flight ang kanilang eroplano sa Shanghai, China, pero dahil sa sama ng panahon ay nailipat ang kanilang paglapag sa Wuhan, China at tuluyang nakansela ang kanilang pagbalik sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT

"Basta ang sabi, 'Your flight is cancelled because of the bad weather.' Pero di naman alam kung kailan kami makakasakay. Hindi sinasabi," ayon kay De Guzman.

Mayroon daw silang nakausap na isang tao na kanilang napakiusapan na magpadala ng mensahe sa kaanak nila sa Pilipinas na kanselado ang kanilang pag-uwi. Pero matapos nito wala na silang paraan ng komunikasyon.

Maging ang mga dala nilang cellphone ay hindi na gumagana dahil nanggaling sila sa Amerika kung saan nanatili sila doon ng ilang buwan.

Wala naman daw ipinagamit na komunikasyon sa kanila ang airline para makontak nila ang mga kaanak nila sa Pilipinas.

Noong una ay pinatuloy daw sila sa hotel pero hindi nagtagal ay pinabalik sila sa airport pero wala namang silang katiyakan na makakasakay bilang mga "chance passenger."

Dahil nasa airport lang, doon na umano silang nagpapalipas ng magdamag kasama ang napakarami nilang bagahe.

"Nakaupo lang kami doon with our so many baggages there. May one time na natutulog kami, yakap-yakap namin ang aming mga baggages. Nagrorosaryo kami, nagdadasal kami na Lord, please help us," naiiyak niyang kuwento.

Nadiskubre pa nila na marami sa kanilang mga dala ang nawala sa kanilang bagahe.

"Noong kinuha namin ang mga baggages namin, nakita ko wala na yung susi nung ano... tanggal na yung susi. Tapos halos wala nang laman yung aking mga baggage na yun," ayon kay Baysic.

Lalo pang nag-aalala ang mga kaanak ng tatlo sa Pilipinas dahil wala rin silang makuhang impormasyon mula sa China Eastern Airlines.

Pero ilang oras matapos lumabas media ang panawagan ng mga kaanak ng tatlong nakatatanda, nakatanggap daw sila ng e-mail mula sa airline na makakauwi na ang magkakapatid, na nangyari nga nitong Linggo bago maghatinggabi.

Labis naman ang pagpapasalamat ng pamilya na ligtas na nakauwi ang kanilang mga mahal sa buhay.

Pinag-iisipan pa raw nila ang tungkol sa pagsasampa ng reklamo ukol sa nangyari sa tatlong nakatatanda.

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang China Eastern Airlines tungkol sa sinapit ng magkakapatid.--FRJ, GMA News