Pumanaw na nitong Lunes ng umaga sa edad na 65 ang anti-mining, environment activist at dating Environment Secretary na si Regina "Gina" Lopez.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing dakong 4:15 am nang bawian ng buhay si Lopez, batay sa inilabas na impormasyon ng ABS-CBN Foundation.
Pumanaw si Lopez dahil sa multiple organ failure sa Makati Medical Center matapos ang pakikipaglaban sa brain cancer.
Sa video post sa Facebook nitong nakaraang buwan, sinabi ni Lopez na na mayroong siyang "health challenges which I have found a blessing."
Itinalaga si Lopez na kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2016 pero hindi nakalusot ang kaniyang kompirmasyon sa Commission on Appointments noong 2017.
Sa kaniyang panunungkulan bilang pinuno ng DENR, ilang kompanya ng pagmimina ang kanilang ipinasara o sinuspindi.
Bagong maging kalihim ng DENR, aktibo rin si Lopez sa iba't ibang gawain para sa pangangalaga sa kalikasan at maging ng mga taong nangangailangan. Naging managing director ng ABS-CBN Foundation at itinatag ang hotline Bantay Bata 163.
Noong panahon ng liderato ni dating Pangulong Benigno Aquino III, itinalaga siyang pinuno ng Pasig River Rehabilitation Commission. Pinangunahan din niyang kampanya para sa reforestation ng La Mesa Watershed.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang Malacañang at mga opisyal sa pagpanaw ni Lopez.
Ikinalungkot din ng mga celebrity ang pagpanaw ni Lopez.
Sad news to wake up to....Rest in Peace Ms. Gina Lopez.
— Mark Bautista (@iammarkbautista) August 18, 2019
Ayon sa ABS-CBN Foundation, isasagawa ang memorial service at public viewing kay Lopez sa La Mesa Ecopark sa Fairview, Quezon City sa August 22 at 23 mula 9 a.m. hanggang 9 p.m. —FRJ, GMA News
