Binisita ng asawa ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang bago pormal na hilingin ng pamilya Sanchez ang kanyang endorsement para sa executive clemency.

Ayon sa ulat ni Tuesday Niu ng Super Radyo dzBB, isinasaad sa logbook ng New Executive Building na pumasok si Elvira Sanchez dito noong February 7 bandang 10:30 a.m.

 

 

Nagpadala ng email request for recommendation ang kanila anak na si Marie Antonelvie sa opisina ni Panelo noong February 8.

Bukod sa pagiging tagapagsalita ng Pangulo, chief presidential legal counsel rin si Panelo.

Nitong Martes lang, sinabi ni Panelo na nakipagkita siya sa pamilya Sanchez matapos nilang hilingan ang kanyang recommendation.

Hindi niya binanggit ang petsa ng kanila pagkikita pero ayon pa rin sa security logbook, nagpunta si Elvira sa Malacañang noong February 26 o ang araw kung kailan ipinadala niya ang request ng pamilya sa Board of Pardons and Parole.

Sabi ni Panelo, hinilang niya ang BPP na pag-aralan ang request at gawin ang nararapat.

Dagdag pa niya, alam ni Duterte ang pakikipagkita niya sa pamilya Sanchez ngunit hindi nito alam ang request para sa clemency.

“It’s all official. It’s all recorded. There’s nothing there,” sabi ni Panelo nitong Martes.

Isa si Panelo sa mga naging abogado ni Sanchez noong ito'y nililitis pa para sa pagpatay at pag-gahasa kay Eileen Sarmenta at pagpatay sa kaibigan nitong si Allan Gomez noong 1993.

Nahatulan si Sanchez ng pitong reclusion perpetua noong 1995.

Muntik na umano siyang makalaya kamakailan matapos magkaroon ng sapat na time allowance ayon sa Republic Act 10592. —NB, GMA News