Matapos mag-anunsiyo nitong Martes ng P200,000 na pabuya si Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa kung sinoman ang makakapagturo sa nagtapon ng mga patay na baboy sa Marikina River, inulan ang alkalde ng mga text messages na naglalaman ng mga pangalan, lugar at oras ng pagtapon ng mga nasabing hayop sa lugar.

Ayon kay Teodoro, sunud-sunod ang pasok ng text messages simula alas-5 ng hapon nitong Martes.

Gayunman, kailangan pa raw itong isailalim isa-isa sa verification at surveillance.

Sabi ni Teodoro, galing sa sarili niyang bulsa at hindi galing sa city fund ang P200,000 na pabuya.

Ipinag-utos na rin ng alkalde ang masusing price monitoring sa palengke ng lungsod para hindi makapanamantala sa presyo ang mga nagtitinda ng manok at isda ngayong mababa ang demand sa karne at baboy.

Dalawang beses na raw kada araw kung inspeksiyonin ang mga karne sa palengke ng lungsod.

Ito ay para mapanatili raw ang kumpiyansa ng mga mamimili sa mga itinitinda sa kanilang palengke.

Sa susunod na linggo naman daw nila inaasahang makuha ang resulta ng water testing ng Laguna Lake Development Authority sa Marikina River.

Dito raw malalaman kung kontaminado ng African swine fever virus ang tubig at kung maaari na ulit itong magamit sa recreational activities gaya ng boating.

Sabi ni Teodoro, noong Lunes sila huling nakarekober ng patay na baboy sa ilog.

Umabot na sa 58 ang kabuuang bilang ng mga narekober nilang patay na baboy.

Inilibing na raw ang mga ito sa Barangay Tumana, Nangka at Calumpang.

Ibinaon sa 10 talampakang lupa ang mga baboy at nilagyan daw ng disinfectant ang lugar na pinaglibingan.

Dati nang umapela si Agriculture Secretary William Dar sa mga nag-aalaga ng baboy na ireport sa mga awtoridad ang kalagayan ng kanilang mga alagang baboy at huwag itago ang impormasyon. —KG, GMA News