Isang bagong ahensiya na haharap sa problema ng ilegal na droga sa bansa ang iminungkahing buuin ni Senate President Tito Sotto na tatawaging Presidential Drug Enforcement Authority.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang mungkahi ay nakasaad sa panukalang batas na inihain ni Sotto na magkakaroon ng mga sangay para sa anti- drug enforcement, prosecution, prevention, rehabilitation, at policy formulation.

Kapag naaprubahan at naging batas, bubuwagin na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Dangerous Drugs Board (DDB) dahil sasakupin na ng bagong ahensya ang kanilang mga tungkulin.

Dahil dito, nagpahayag umano ng pagtutol ang mga opisyal ng PDEA at DDB sa naturang panukala batas.

Pero ayon kay Senador Ronald Dela Rosa, chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na hindi dapat mangamba ang PDEA at DDB
dahil posibleng kunin ng bagong ahensya ang kanilang mga tauhan. --FRJ, GMA News