Hinamon ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) si presidential spokesperson Salvador Panelo na mag-commute para maranasan ang pinagdadaanan ng mga pasahero.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni KMU secretary general Jerome Adonis, na wala umanong alam si Panelo sa sitwasyon ng transportasyon sa Metro Manila at pinagdadaanan ng mga mamamayan na umaasa sa mga pampublikong sasakyan.

Ang pahayag ay ginawa ni Adonis matapos sabihin ni Panelo na walang transportation crisis sa Metro Manila.

Ipinayo pa ng tagapagsalita ng pangulo na dapat umalis na lang ng maaga ang publiko para makarating nang maaga sa kanilang destinasyon.

"Tila hindi pa niya nararanasang mag-commute at bumiyahe nang rush hour gamit ang pampublikong transportasyon. Hinahamon namin siyang bumiyahe sa EDSA mula North EDSA o kaya mula Santolan papuntang Maynila, papunta at pauwi mula Malacañang para makita niya ang kalagayan ng ating mga kabababayan," saad ni Adonis sa pahayag.

"Paano’ng walang krisis sa transportasyon kung nagkandasira na ang mga tren, mahahaba ang pila sa mga istasyon, at siksikan at puro sabit sa mga jeep, at kandahirap ang ating mga kababayan papunta at pauwi sa trabaho o eskuwela," dagdag niya.

Sinabi pa ni Adonis na hindi dapat takasan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pananagutan at responsibilidad sa krisis sa transportasyon.

Itinanggi naman ni Panelo, ang alegasyon na hindi niya batid ang problemang kinakaharap ngayon sa transportasyon at pinagdadaanan ng publiko.

“Just because I disagree with the leftist organization’s theory on the existence of a mass transport crisis does not mean that I am unaware of the vexing daily commute, as well as the burden caused by the worsening traffic conditions in Manila," paliwanag ng opisyal.

Gayunman, nanindigan siyang walang mass transport crisis.--FRJ, GMA News