Patay ang isang lalaking nadulas at nagulungan matapos humabol sa sasakyan niya sanang bus, ayon sa isang ulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Sabi ng Metro Manila Development Authority, wala sa tamang sakayan ang lalaki nang mangyari ang insidente sa EDSA-Guadalupe southbound Biyernes ng hapon.

Nagtamo rin siya ng malaking sugat sa kanang hita at binti.

Ayon sa MMDA, pasakay ng bus ang lalaki nang mangyari ang aksidente.

"Yung pasahero, nandun siya sa unauthorized zone. Hinabol niya yung bus so hindi siya nakasakay kasi nga, mataas ang estribo ng bus eh. Umaandar yung bus hindi siya nakita and then eventually na, nadulas, then natumba, then nagulungan," sabi ni MMDA traffic chief Bong Nebrija.

Agad naman daw nakaresponde ang rescuers at nadala sa ospital ang hindi pa nakikilalang biktima.

Pinaghahanap na rin ang tumakas na driver ng Armi Josh Transport Bus.

Posible siyang maharap sa reklamo. 

Ite-turnover daw ang kaso sa Philippine National Police na magdedesisyon kung kakasuhan din ang operator ng bus.

Tingin ni Nebrija, hindi mangyayari ang aksidente kung sinunod lang ang tamang babaan at sakayan.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng pamilya ng biktima, pati na ang kumpanya ng bus. — MDM, GMA News