Nasabat sa isang entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong maleta na naglalaman ng 14 kilo ng endangered na Agarwood na may halagang P2.6 milyon.

Ayon sa panayam ni John Consulta sa GMA New's 24 Oras nitong Miyerkules, nahuli ng mga operatiba sa Maynila ang tatlong suspek na kinabibilangan ng isang Chinese national at isang Indonesian national.

"Ito po ang tinaguriang 'the most expensive wood in the world'. Ito po ay highly-sought ng mga ilegal na nagbebenta at meron pong limited source dito sa Pilipinas kahit ito’y endangered nga," ani Atty. Eric Nuqui, ang hepe ng NBI-ECD.

Sabi pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang endagered Agarwood ay makikita lamang sa matataas na lugar sa bansa.

Ito ay kadalasang ginagawa bilang insenso o ginagamit na sangkap sa pabango.

Nakumpiska rin ang van na ginagamit ng mga suspek sa pagbabagsak ng mga kontrabando.

Arestado naman ang suspek na si Romel Sena Dela Cruz nang makorner siya sa isa pang operasyon sa Maynila.

Nagbebenta si Dela Cruz ng limang tarantula at dalawang boa snake sa black market.

"Nagugulat kami kung paano sila nakakapasok sa bansa natin. Mga exotic sila. Ang masama rito, kapag ito ay nakawala, in-introduce sa ating biodiversity, it will create havoc," ani Rogellio Demelletes, isang wild life enforces ng DENR.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.

Ang mga ito ay haharap sa reklamo dahil sa kanilang paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News