Mapapaaga ang pag-uwi sa Pilipinas ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos makaramdam ng matinding sakit sa kanilang likod habang nasa Japan, ayon sa Malacañang nitong Martes.

Nasa Japan ngayon si Duterte para dumalo sa enthronement ceremony ni Emperor Naruhito sa Tokyo. Umalis ng Pilipinas ang pangulo nitong Lunes ng gabi at sa Miyerkules pa sana ang kaniyang balik sa bansa.

“The Palace announces that the President will cut short his trip to Japan due to unbearable pain in his spinal column near the pelvic bone as a consequence of his fall during his motorcycle ride last Wednesday, October 16,” sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

Inaasahang darating sa Pilipinas si Duterte ngayong gabi at magpapatingin umano sa kaniyang neurologist sa Miyerkules.

Dahil sa maagang pag-uwi, hindi na makadadalo ang pangulo sa Emperor’s banquet na gaganapin sa Martes ng gabi sa Imperial Palace.

Gayunman, ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte ang magiging kinatawan ng pangulo sa naturang pagtitipon, ayon kay Panelo.

Sa kabila ng nararamdamang sakit, dumalo pa rin si Duterte sa enthronement ceremony pero gumamit siya ng tungkod, sabi pa ni Panelo.

“While this was unforeseeable, the public can rest assured that there is nothing to worry as regards the physical health and condition of the President as he gives serious priority thereto in actively serving our country,” pagtiyak ng tagapagsalita.

Matatandaan na nitong nakaraang linggo, natumba ang pangulo habang sakay ng motorsiklo sa Malacañang complex.

Nagtamo ng bahagyang galos si Duterte sa siko at tumama umano ang baywang sa semento sa kaniyang pagbagsak.— FRJ, GMA News