Ikinukonsidera na umano ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na huwag nang tumanggap ng kaniyang sahod at mga allowance habang hindi pa rin siya nagpapakita sa Senado, ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Ethics committee.
Kinumpirma ito ni Ejercito matapos magpulong ang pinamumunuan niyang Senate Committee on Ethics and Privileges nitong Martes upang iproseso ang mga nakabinbing reklamo batay sa first-in, first-out na sistema.
“I think meron ng ano…, they're just waiting for the final decision. They're already considering. So, ‘yun ang magandang balita,” sabi ng senador sa mga mamamahayag sa isang ambush interview.
Nang tanungin kung ano ang ikinukonsidera ng kampo ni Dela Rosa, tugon ni Ejercito, “Whether to waive the salaries and the allowances as I recommended.”
Noong nakaraang linggo, nanawagan si Ejercito kay Dela Rosa na boluntaryong isuko muna ang kaniyang sahod at allowances habang hindi pa siya pumapasok sa Senado.
Hindi na nagpapakita sa publiko si Dela Rosa, at hindi rin dumadalo sa sesyon ng Senado mula pa noong November 2025, kasunod ng mga impormasyon na naglabas na umano ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Ang arrest warrant ay may kaugnayan umano sa partisipasyon ni Dela Rosa noong panahon na hepe siya ng pulisya, at ipinatupad ang madugong war on drugs ng Duterte administration. – Giselle Ombay GMA News

