Inihayag ng Malacañang na humihingi ng asylum sa France ang tinutugis na si Zaldy Co. Inanunsyo ito isang araw matapos sabihin ng mga awtoridad ng Czech Republic sa delegasyon ng Pilipinas na pinamunuan ni Justice Secretary Fredderick Vida, na wala na sa kanilang kustodiya ang dating kongresista na nahaharap sa kasong graft at malversation.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na batay sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs, humihingi umano ng asylum sa France si Co.
"The DFA (Department of Foreign Affairs) has received highly reliable information that Zaldy Co has a pending petition for political asylum in France," ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ngayong Martes.
"He has been requested to be transferred to and is now under the jurisdiction of French authorities. All missions in Europe have been instructed to obtain further official confirmation," dagdag niya.
Ayon kay Castro, humihingi ng asylum si Co sa France dahil sa umano’y political persecution. Batay rin sa impormasyon ng DFA, maaari umanong makagalaw ang dating mambabatas sa loob ng Schengen area ng Europa.
Noong Huwebes, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nahuli si Co at nasa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech dahil sa problema sa dokumento.
Kasunod nito, inanunsyo ng mga opisyal ang mga hakbang upang maibalik si Co sa Pilipinas, kabilang ang pagpunta ni Vida sa Czech para personal na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng nasabing bansa.
"I have to share difficult news. Czech authorities have informed us that Mr. Zaldy Co is no longer in their custody," sabi ni Vida sa news briefing noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Castro, makikipagtulungan ang administrasyong Marcos sa mga dayuhang pamahalaan upang maibalik si Co sa bansa at paharapin sa mga kasong graft at malversation laban sa kanya.
''Gagawin natin ang lahat nang naaayon sa batas at sa diplomatikong proseso,'' ani Castro.
Makikipag-usap din umano ang Pangulo sa mga embahador ng France at Czech Republic to para talakayin ang mga pangyayari tungkol kay Co, pati na ang mga paraan na dapat gawin para mapauwi ang dating mambabatas.
Idinagdag ni Castro, na kasamang pag-uusapan ang asylum application ni Co.
''Dapat din po nating igalang kung ano ba ang batas at polisiya ng ibang bansa kung saan siya nag-file ng petition for asylum,'' ani Castro.
Idinagdag niya na “disappointed” ang pangulo sa mga bagong pangyayari sa paghahanap kay Co.
''Sinabi niya na disappointed siya... malapit na sana natin napauwi si Zaldy Co,'' ani Castro.
Matatandaang noong Abril 16, inanunsyo ni Marcos na nasa kustodiya ng Prague si Co.
Ayon kay Marcos, napigilan si Co sa border ng Germany matapos pumasok mula sa Czech Republic, at patuloy ang koordinasyon ng pamahalaang Pilipino sa mga awtoridad ng Czech.
Naglabas ng arrest warrant laban kay Co at 17 iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Nagsampa ang Ombudsman ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kay Co at iba pa sa Sandiganbayan, kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Mariing itinanggi ni Co ang mga paratang ng katiwalian laban sa kaniya. -- Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News

