Dalawang Nigerian national ang inaresto ng awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Las Pinas noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, napag-alaman ng Cavite police na ang high value target na si Leonard Ohaeri ay nakikipagkita sa mga convenience store at doon nagbabagsak ng droga.
"Agad-agad tayong nag-conduct ng surveillance at napag-alaman natin na nagta-transact sila ng business doon sa mga convenience store," ani Police Colonel William Segun, ang police provincial director ng Cavite.
"Umaakto silang mga customer para ang kanilang bigayan ng illegal drugs ay hindi halata," dagdag pa ni Segun.
Nakumpiska naman sa suspek ang hinihinalang shabu na nagkakahalagang P200,000 at ang marked money.
Ayon sa pulisya, konektado raw ang pagkahuli kay Ohaeri sa pag-aresto sa isa pang Nigerian national na nagpapanggap bilang isang misyonaryo.
Nahuli si Christian Chukwebuka Okoye at ang kasama nitong Pinoy na si Anthony Lusay sa isa pang buy-bust operation sa Las Pinas.
May nasabat ang mga pulis na halos dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million.
"Umaakto silang mga estudyante at ang iba naman ay umaaktong misyonaryo. Sa likod pala nito ay nagtutulak sila ng ilegal na droga at sa ngayon tuloy-tuloy ang ating ginagawang profilings sa mga dayuhang ito," sabi ni Segun.
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Sila ay humaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News
