Magsasagawa ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Maynila at maging ang Department of Health (DOH) sa pagkamatay ng isang buntis at kaniyang sanggol. Sa video, nakita ang buntis na bumaba ng ambulansya at pinaglakad pa ng ilang metro sa pinaglipatang ospital.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa CCTV noong tanghali ng October 21, nang bumaba ang nasawing si Myra Morga mula sa isang ambulansya.

Kasama ni Morga nang sandaling iyon ang kanilang kinakasama na si Danilo Publico at kapatid na si Rebecca.  Galing umano ang tatlo sa Ospital ng Sampaloc  at pinalipat sila sa Ospital ng Sta. Ana, dahil hindi na nila kayang tugunan ang kalagayan ni Morga, na kabuwanan na at dinudugo.

Patay na umano ang sanggol ni Morga sa sinapupunan nang suriin siya sa Ospital ng Sampaloc. Dahil hindi raw sapat ang pasilidad ng ospital sa kalagayan ni Morga, inirekomenda nilang ilipat siya sa Ospital ng Sta. Ana.

Dahil sa kawalan umano ng pera para sa pamasahe, nakiusap sila sa Ospital ng Sampaloc na ipagamit sa kanila ang ambulansya.  Bagaman inihatid naman sila sa pinaglipatang ospital,  hindi naman sila ibinaba sa mismong ospital at sa halip pinaglakad pa ang pasyente kahit dinudugo na umano.

Hindi nakita sa CCTV pero hinimatay daw si Morga bago makarating sa gate ng Sta. Ana hospital. Patay na nang isilang niya ang lalaking sanggol  dakong alas dose ng hatinggabi.

Binawian naman ng buhay ang ginang dalawang oras pagkaraan nito.

Sa death certificate ni Morga, hypovolemic shock o labis na pagdurugo, very severe anemia at abruptio placenta ang kaniyang ikinamatay.

Nais ng pamilya ng biktima na managot ang Ospital ng Sampaloc dahil sa paniwala nila na lalong nakasama sa kondisyon niya ang paglalakad.

Kapos sa buhay ang pasyente na nangangalakal nga lang basura, habang barker ng jeep ang kaniyang kinakasamang si Publico.

Dahil na rin sa kakulangan ng pera, pinagsama na lang ang mag-ina sa iisang kabaong. Naihatid na sila sa huling hantungan.

Sa text message na ipinadala ni DOH Secretary Francisco Duque, sinabi niyang hindi tamang pinababa ng ambulansya ang pasyente.



Bagaman hindi sakop ng DOH ang dalawang ospital, paiimbestigahan pa rin daw ni Duque ang insidente.

Nitong Lunes ng umaga, nakausap na umano ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga administrador ng dalawang ospital.

Una rito, iniutos ni Moreno ang imbestigasyon sa naturang insidente para alamin kung nagkaroon ng pagkukulang dalawang ospital.

Sa paunang resulta ng imbestigasyon ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sinabing 8:00 am nang dalhin si Morga sa Ospital ng Sampaloc noong October 21, at dinudugo na.

Sa ospital, nasuri umano na wala nang tibok ng puso ang sanggol sa sinapupunan ni Morga kaya nagsagawa sa kaniya ng ultrasound.

Dahil kulang sila sa pasilidad sa kalagayan ni Morga, inirekomenda nila sa pasyente na lumipat sa Sta. Ana Hospital. Tiniyak din nila na "stable" umano ang pasyente nang umalis ito sa Ospital ng Sampaloc.

Pero hindi naniniwala ang kapatid ni Morga na maayos pa ang kalagayan ng kalagayan ng kanilang pasyente dahil putlang-putla na raw ito.

Nailipat umano ng ospital si Margo sakay ng ambulansya dakong 10 a.m. matapos hintayin ang isang kaanak. --FRJ, GMA News