"Kasi marami namang paraan para ipaabot sa akin kung talagang seryoso. Pero iyong sa akin lang, ano ba naman iyan.” Ito ang pahayag ni Bise Presidente Leni Robredo nang pabulaanan niya ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na itinext [text] niya ang pangalawang pangulo kaugnay sa alok na maging "anti-drug czar."

“Diyos ko naman. Unang una, wala akong natanggap. Saka kung seryoso, bakit ite-text, di ba?,” sabi ni Robredo nang makapanayam sa Iloilo.

“Kahit walang paggalang sa akin, igalang na lang iyong posisyon. Kung ite-text ka ng isang bagay na ganiyan, hindi iyon seryoso. Kasi marami namang paraan para ipaabot sa akin kung talagang seryoso. Pero iyong sa akin lang, ano ba naman iyan,” dismayadong sabi ng pangalawang pangulo.

Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na aatasan niya si Executive Secretary Salvador Medialdea na ayusin ang pagtatalaga kay Robredo bilang anti-drug czar.

Kasunod ito ng ginawang pagpuna ng bise presidente sa kampanya kontra-droga ng pamahalaan na hindi umano apektibo.

ADVERTISEMENT

Pero magbibigay lang umano ng pahayag si Robredo kapag nakita na niya ang tunay na alok mula sa Palasyo.

“Sasagutin ko kapag nakatanggap na ako, kasi as of now, speculative lahat. Unang una, wala pa naman akong natatanggap. Sunod, kung may matanggap man, kailangan ko mabasa muna. Maraming beses na nakatanggap na ako ng invitation, babawiin nila,” sabi ni Robredo.

Naninindigan si Robredo na hindi tagumpay ang drug war ng gobyerno lalo pa't hinamon siya ng pangulo na pangunahan na ang kampanya.

“Kung walang failure, bakit ipapasa sa akin? ‘Di ba? Kasi ipapasa mo lang ang isang bagay kapag hindi mo na kayang gawin,” sabi ng bise presidente.

“Kung successful kasi siya, hindi kailangang ipasa, kasi wala nang ipapasa, eh. Kasi nagawa mo na. Pero kung ipapasa mo sa iba, hindi ba admission iyon na ang dami pang kailangan gawin?,” dagdag niya.

Iginiit niya na dapat isailalim sa rehabilitasyon ang mga drug user sa halip na ituring kriminal na dapat patayin.

Sa halip, sinabi ni Robredo na ang mga nagtutulak ng droga ang dapat na habulin.

“Kahit patayin natin iyong lahat na adik, hindi pa rin iyon mahihinto, kasi hindi natin nahahabol iyong mga malalaki. Eh nakita naman natin iyong numero,” sabi ni Robredo.

“Iyong numbers, hindi naman galing sa akin,” dagdag niya. —FRJ, GMA News