Matapos buwisan ng Department of Health (DOH) ang sugar-sweetened beverages, plano na rin daw nitong lagyan ng buwis ang mga maaalat na produkto dahil may masamang epekto umano ang mga ito sa kalusugan.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules, sinabing ang sobrang asin sa katawan ang isa umano sa mga dahilan ng alta-presyon, sakit sa puso, at pagkakaroon ng sakit sa bato.
"We've seen the positive effects on increasing taxes on sin products, the same strategy might work also for excessive consumption of salt," sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Pero posibleng makasama raw dito ang mga daing, ayon sa ulat.
"There’s nothing concrete right now but it is something the DOH is studying,” sabi naman ni DOH spokesperson at Undersecretary Eric Domingo.
Pero si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, nag-aalala na maraming tatamaan kapag binuwisan ang pagkain.
"On the industry, lalo na pag food products, ideally walang tax sana. Maraming tatamaan 'pag salt. Kung gustong lagyan ng tax, ang tingin ko lang doon ay 'wag lang sobrang laki na para talagang ayaw mo na ipakain, lalo na 'yong mga basic good," wika ni Lopez.
Ayon kay Renz Annika Daquioag, isang nutritionist-dietician sa East Avenue Medical Center, mas makabubuti talaga na hindi "processed" ang kinakain ng mga tao.
"'Pag sobra 'yong asin, 'yong sodium kasi hinihila niya 'yong tubig sa labas ng ugat. Kapag nahila 'yong tubig sa labas ng ugat, siyempre lumalakas 'yong presyon sa loob ng ugat. 'Yon ang nagiging cause ng hypertension," sabi ni Daquioag.
Ayon sa DOH, nasa 68 percent ng sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas ang mga non-communicable disease o 'di nakakahawang karamdaman kagaya ng cancer, respiratory disease, stroke, sakit sa puso at diabetes.
Dagdag pa ng DOH na nasa 2000 to 3000 miligrams lang daw dapat o katumbas ng isa hanggang isa't kalahating kutsarita ng asin ang dapat makunsumo ng isang tao araw-araw.-- Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News
