Nakiisa ang iba-t ibang ahensya para sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill dito sa Meralco Center sa Pasig City.
Eksakto 9 a.m., sabay-sabay na pinatunog ng iba't ibang opisyal ng pamahalaan at private sector ang hudyat para sa pagsisimula ng earthquake drill. Isang minutong nag-"duck, cover and hold" ang mga nakilahok.
Iba't ibang earthquake scenarios ang isinagawa at inalam ang response dito ng mga iba't ibang sektor.
Ayon kay PHIVOLCS OIC Renato Solidum, importanteng nagsasanay ang lahat para sa pagtama ng "the Big One" o isang 7.2-magnitude na lindol.
Magugunitang sunod-sunod ang naging mga lindol ngayong taon kung saan ang pinakahuli ay ang serye ng mga malalakas na lindol sa Cotabato.
Nakita na raw ng publiko ang epekto ang ganoong kalakas na mga lindol, ayon kay Solidum.
Ayon kay Solidum, ang magnitude 7.2 na lindol ay mararamdaman na intensity 8 dito sa Kamaynilaan kung saan di ka na raw makakatayo. Nasa 23,000 ang tinatayang casualty count sa magnitude 6.5 pa lamang. Mas marami raw kasi ang tao dito sa Metro Manila at marami ring istraktura.
Sa ngayon, importante raw ang kahandaan.
Ugaliin ang "duck, cover and hold" at dapat nagkakaroon na ng mga inspeksyon sa integridad ng mga gusali. Dapat din raw nasusunod ang building code dahil hindi sigurado kung tama ba ang pagkakatayo ng mga ito o kung hindi sila guguho kapag may malakas na lindol.
Dapat din daw tukoy na ang open spaces kung saan maaaring mag-evacuate ang mga tao. Sa dami ng gusali, maaaring mahirap daw ito kaya kailangan alam na ng lahat ang evacuation areas. Tiyakin rin na hindi ito prone sa liquefaction o paglambot ng lupa o mababagsakan ng mga katabing gusali.
Mag-ingat din daw ang mga nasa coastal areas sa banta ng tsunami.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government-National Capital Region Institutional Partnership Director Perla Upano, nagsasagawa na ang local government units ng structural audits sa mga gusali sa kanilang mga nasasakupan.
May mga gusali na raw silang natukoy na hindi na dapat ino-occupy.
Magiging liable daw ang LGU kung hindi ito maisagawa.
Sa Pasig, ginagawa na raw ni Mayor Vico Sotto ang structural audit. Wala pa naman daw nakikitang hindi structurally sound na gusali pero kung meron man ay gagawin raw nya ang nararapat.
Para kay Office of Civil Defense-NCR Director Romulo Cabantac Jr, importante ang "duck, cover and hold" para maprotektahan ng bawat isa ang sarili sa lindol.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga pito na maaaring gamitin para pantawag ng atensyon kung kailangan ng tulong o kung mata-trap sa isang collapsed structure.
Ayon kay Energy Undersecretary Alexander Lopez, tiyak na malulumpo ang Meralco oras na tumama ang malakas na lindol. Mawawalan raw agad ng kuryente at hindi agad-agad maibabalik ito. Ang importante raw ay nak handa ang mga contigency plan para sa power restoration.
Bukod dito, handa raw tumulong ang mga karatig probinsya sa pagtulong sa pagbabalik ng supply ng kuryente.
Para naman sa Bureau of Fire Protection, nasa libo ang taya nilang fire incidents matapos ang lindol. Ayok kay BFP Director Rico Kwan Tiu, tanggalin na agad ang posibilidad ng sunog.
Sa paglikas, sigurihing nakasara ang mga tangke ng LPG o anumang maaaring pagmulan ng sunog. Huwag na raw dumagdag pa sa mga kailangan nilang respondehan o i-rescue.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Debold Sinas, handa silang tumulong bilang first responders kasabay ng pagpapanatili sa katahimikan. —KBK, GMA News
