Isang lalaking nag-amok sa Valenzuela City ang patay matapos siyang pagtulungan ng mga barangay tanod at pulis na rumesponde nang siya ay nagwala.

Ayon sa ulat sa programang “QRT,” nagsimulang mag-amok si Rene Arnio sa Barangay Ugong dahil sa isang away mag-asawa.

Sa iba’t ibang video, makikitang muntik pang masapak ni Arnio ang isang tricycle driver na nakatambay lamang sa kanyang sasakyan.

Maya maya pa ay dumating na ang mga tanod at pulisya.

Ngunit imbes na sumuko, tumakbo si Arnio papalayo sa mga ito.

Dalawang beses siyang sinuntok ng magkaibang pulis.

Matapos niyang magtatakbo muli, bumalik si Arnio na may bitbit na mahabang piraso ng bakal habang napapaligiran ng mga awtoridad.

Kasunod nito ay bigla siyang binaril sa tuhod ng isang pulis at kalauna’y kinuyog na.

Nang mahuli at maposasan si Arnio, kinaladkad siya ng mga awtoridad sa gitna ng kalsada habang nag-aantay ng police mobile na magdadala sa kanya sa ospital.

Pagdating sa ospital ay tila nag-iba ang timpla ni Arnio, na nakunan sa video na umiiyak at nanghihingi ng tubig.

Kalaunan ay namatay din si Arnio dahil sa “hypovolemic shock” na dulot ng pagkabaril sa kanya.

Labis ang pagluluksa ng asawa niyang si Sherry na sinasabing may kalabisan ang paghawak ng mga awtoridad sa sitwasyon.

“Gusto ko mabigyan siya ng katarungan kasi grabe yung ginawa sa kanya. Kung makikita niyo, naaawa kayo, lalo na yung pag-assist sa kanya nung may tama na siya, ginawa siyang baboy. Halos ihagis siya paglagay sa mobile,” aniya.

“Walang ambulansya. San kami hihingi ng tulong para mabigyan siya ng hustisya? Kasi kung tutuusin, away mag-asawa lang po. Tapos napunta sa ganun, biglang nawalan ng ama yung anak kong dalawa,” dagdag pa ni Sherry.

Kung mapatutunayan daw ang pang-aabuso ng mga barangay tanod na sangkot sa insidente, handa raw si Barangay Captain Eduardo Nazar na iharap ang kanyang mga tauhan sa imbestigasyon.

“Hindi naman po siguro masasabing overkill. Pero with regards sa aking tanod, kung talagang mapapatunayang may kasalanan sila, hindi ko naman itotolerate yun,” aniya.

Nakarating na rin ang insidente kay Acting Philippine National Police chief Archie Gamboa, na nagsabing papaimbestigahan niya ang kaso.

“I will have it investigated kasi kung sinasabi nila na nasa custody na ng kapulisan pero despite that namatay, then there is something wrong,” sabi ni Gamboa.

Dagdag pa ng hepe ng Northern Police District-Internal Affairs Service na si Police Lieutenant Colonel Nelson Ferrer, magsasagawa sila ng parallel investigation sa tatlong pulisyang nakuhanan sa video na nanapak kay Arnio.

“Sa nakita ko po, mukhang may mali po sa pag-handle situation yung ating mga pulis. ‘Yun po ang ating tinitingnan...  Lalo na no’ng una wala pa siyang hawak na baton, e pwede naman siguro meron tayong mga baton na dapat gamitin upang ang pulis ay talagang ma-pacify natin,” aniya. —Julia Mari Ornedo/NB, GMA News