Patay ang isang 49-anyos na lalaki sa Taguig City matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rogelio Estebal, isang construction worker at residente ng Barangay Dulong Bayan Bambang.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Erica Manlangit, dalawang lalaki na naka-face mask ang kumatok at pumasok sa kanilang bahay dakong 11:00 p.m.

ADVERTISEMENT

Pinapasok pa umano siya ng mga lalaki sa banyo at pagkaraan nito ay nakarinig na siya ng mga putok ng baril.

Nang umalis ang mga lalaki, iniwan na duguang nakahandusay sa kanilang sahig ang biktima.

Nakakuha ang mga imbestigador ng walong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril at 10 basyo ng kalibre 9mm na baril.

May nakita ring tatlong sachet na hinihinalang may lamang shabu malapit sa katawan ng biktima.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, wala silang alam na kaaway si Esteban at hindi rin daw ito nasasangkot sa anumang ilegal na gawain.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.-- FRJ, GMA News