Sugatan ang isang construction worker matapos madisgrasya habang nagtatrabaho sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila na isa sa mga gagamiting sports venue para sa 30th Southeast Asian Games.

Ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Dobol B sa News TV nitong Martes, nahulog mula sa inililigpit na scaffolding ang 46-anyos na biktimang si Richard Delos Santos sa kasagsagan ng malakas na ulan nitong Lunes ng umaga.

Batay sa impormasyong nakuha sa pulisya, sa harapang bahagi ng stadium naganap ang insidente, limang oras bago magsimula ang men's football game.

Agad isinugod sa ospital ang nadisgrasyang construction worker. Nagtamo raw ito ng leg injury.

Sinusubukan pang hingin ang panig ng Philippine Sports Commission hinggil sa insidente. —Dona Magsino/KBK, GMA News