Arestado ang dalawang suspek matapos umanong magbayad ng pekeng pera sa isang vendor sa Evangelista Street sa Quiapo, Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa vendor na si Liberty Celis, bumili sa kanya ang suspek na si Myla Gudal noong Miyerkules at nagbayad ng pekeng P200 bill para sa biniling wall sticker.

Sinuklian niya ito ng P100 kaya’t lugi pa siya.

Nalaman lang daw niyang peke ang P200 bill na ibinayad sa kanya nang bumili siya sa isa pang tindahan.

Pagbalik daw ng ni Gudal nitong Biyernes ng hapon, kasama na niya si Norhaina Mantil at bumili ulit sila ng wall sticker at nagbayad ng P100 bill.

Namukhaan daw ni Celis ang mga suspek kaya’t itinawag niya ito sa barangay.

Dito na inaresto ang mga suspek pasado alas siyete ng gabi.

Nakuha sa kanila ang tig-P100, P500, P200 at P50 na counterfeit money.

Mapapansing makinis ang papel na ginamit dito hindi tulad sa tunay na pera na magaspang kapag sinalat.

 

Nasabat ng Manila Police District sa dalawang suspek sa Quiapo, Maynila ang counterfeit na P500, P200, P100 at P50 bills nitong Biyernes, Disyembre 6, 2019. Vonne Aquino

 

Magkakapareho rin ang serial number ng ilang counterfeit money na nasabat.

Inamin ni Gudal na gumagamit siya ng pekeng pera pero itinanggi ito ni Mantil.

Taga-Taguig City daw ang dalawang suspek at sa Maynila nambibiktima ayon sa Manila Police District Station 3.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong swindling.

Patuloy pa ang imbestigasyon kung sino ang source ng mga counterfeit money na nagsimula raw ireklamo ng mga vendors noong Nobyembre pa.

Nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga vendors na alamin ang features ng tunay na pera para hindi mabiktima ng panloloko lalo na ngayong holiday season. —KG, GMA News