Arestado ang dalawang lalaki na nagsusuot ng uniporme ng estudyante para makapanalisi sa mga computer shop sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, Kita ang dalawang lalaki na sinisipat ang nasa ilalim ng upuan ng isa sa mga customer. Maya-maya, May hinihila ang paa ng isa sa kanila pero hindi niya agad ito nakuha.

Matapos ang isa pang subok, nakuha na niya ang isang bag.

Nagsilbi namang lookout ang isa pang lalaki.

Pagkakuha ng bag ay inilagay ito ng lalaki sa isang upuan saka hinalungkat ang mga laman nito. Kinuha niya ang ilang gamit saka mabilis na ibinalik ang bag sa pinagkunan niya.

Sa kuha ng CCTV sa isa pang computer shop nitong Huwebes ng gabi, sila rin ang makikitang umaaligid sa mga customer.  Naispatan sila sa isa sa mga upuan.

Dahan- dahan nilang inusog ang mga katabing upuan tsaka tinangay ang buong bag.

Agad na nagreport ang biktima sa Sampaloc Police, na agad namang nagkasa ng follow-up operation.

Sa kalye ng P. Noval sa Sampaloc pa rin natunton ang dalawang suspek. Kinilala silang sina Dave Olayres, 19, at Mark Goles, 18. Suot pa ni Olayres ang uniporme ng biktima na kasama sa mga ninakaw niyang gamit. Parte raw ito ng modus ng dalawa.

Pareho naman silang aminado sa mga paratang laban sa kanila. —KBK/FRJ, GMA News