Dead on the spot ang magnobyong binaril ng mga salarin na riding in tandem sa motor sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.
Nakilala ang mga biktima na sina Rina Lopez, 31, at Jairius Palacio, 22, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV.
JUST IN: Two killed by riding in tandem at Brgy. Tondo, Manila. @gmanews pic.twitter.com/6952JKaX9l
— Victoria Tulad (@victoriatulad) December 15, 2019
Pasado alas-singko y medya ng madaling araw nang makunan ng CCTV ang pagdaan ng magnobyo sa Barangay 139.
Ilang segundo lang pagkalipas, makikitang hinahabol na sila ng mga suspek na nakasakay sa motor.
Inabutan nila ang magnobyo sa panulukan ng Rodriguez at Nepa Streets, at doon na pinagbabaril ang mga biktima.
Nakatakbo pa ang lalaki pero tinamaan din.
Ayon sa mga pulis at opisyal ng barangay, walang nakakilala sa mga suspek dahil naka-helmet at jacket ang mga ito.
Hindi rin kita sa CCTV ang plaka ng kanilang motorsiklo.
Ayon sa mga magulang ng mga biktima, wala namang nakakaaway ang mga ito.
Hindi rin daw sila nagdo-droga kaya ang naiisip na lang nilang motibo sa krimen ay ang pagkahilig ng babae sa sugal.
Sa katunayan, bago mangyari ang pamamaril, galing ang mga biktima sa sugalan.
Pero tila walang interes ang mga suspek sa pera dahil hindi nila kinuha ang napanalunang P20,000 ng mga biktima.
Wala ring nawala sa kanilang mga gamit.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen.
Kabilang sa mga susuriin nila ang anim na basyo ng hindi pa tukoy na baril na natagpuan sa crime scene.
Ipinagpasa-Diyos na lang ng mga kaanak ng mga biktima ang pangyayari.
Patuloy pang kumakalap ng mga CCTV footage ang mga pulis sa pag-asang baka may mahanap pang indikasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek. —KG, GMA News
