Labis na nadismaya si Manila Mayor Isko Moreno nang matuklasan na patuloy ang operasyon ng mga gumagawa ng pekeng mga dokumento sa Sta. Cruz, Recto. Nakadagdag sa init ng ulo ng alkalde ang umano'y mga pulis na "patong" daw sa naturang iligal na gawain.
"Kaya ako nagbabala sa inyo mga pulis ha, ang kakapal ng mukha n'yo. Imbes na hulihin n'yo ang iligal, pumapatong pa kayo," galit na pahayag ni Moreno sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Sabi ng alkalde, ang mga pulis-Maynila daw mismo ang dahilan kung bakit hindi raw natitigil ang paggawa ng mga pekeng dokumento gaya ng diploma, resibo, mga id at kung anu-ano pa sa naturang lugar na tinaguriang "Recto University."
"Pagka hindi kayo tumigil, ang susunod kong ire-raid presinto. Poposasan ko kayo," banta pa niya.
Tukoy na raw ni Moreno ang mga tiwaling pulis-Maynila na protektor umano ng pekeng gawaan pero 'di muna raw niya papangalanan ang mga ito.
"We know you. We will find you and you will not like it," saad niya.
Tiniyak naman ni Police Colonel Narciso Damaso Domingo, Deputy District Director, MPD, na aalamin niya kung sino ang mga pulis na tinutukoy ng alkalde.
Bukod sa mga pulis, nakatikim din ng sermon at babala kay Moreno ang kapian ng barangay na nakasasakop sa lugar na may pagawaan ng mga pekeng dokumento.
"Sa susunod na may gumawa ng fake ID, fake na diploma, lahat ng uri ng fake na imprenta sa barangay mo, kasama ka na sa kaso," babala niya punong-barangay na nangakong susunod daw sa utos ni Moreno.
Nasa 42 kataong ang nahuli sa naturang operasyon na kinabibilangan ng mga fixer at mga nag-iimprenta ng pekeng dokumento.
Nabawi sa kanila ang ilang pekeng dokumento, pati na mga makina na ginagamit sa pag-imprenta ng mga ito.--FRJ, GMA News
