Isang gamot na tableta na gawa ng mga Pinoy ang pinapaniwalaang magiging sagot sa malalang problema ng bansa sa nakamamatay na dengue. Ang Department of Health, naniniwala na malaki ang potensyal ng gamot. Kung kailan ito lababas sa merkado at magkano, alamin.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sa pinakahuling tala ng Department o Health (DOH) hanggang nitong Nobyembre 30, halos dumoble ang dami ng bilang ng kaso ng dengue sa buong Pilipinas kumpara sa parehong panahon noong 2018.

Umabot naman sa mahigit 1,500 ang namatay ngayong 2019 dahil sa virus, na mas marami rin kumpara noong nakaraang taon.

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng dengue sa bansa, sinimulan ni Dr. Rita Grace Alvero ang pagtuklas niya ng gamot kontra-dengue noong 2012.

Pagkaraan ng mahigit pitong taong pag-aaral at mga test, maaari na umanong mailabas sa merkado ang tabletang nalikha ng kaniyang grupo na kauna-unahang gamot sa buong mundo na panlaban sa dengue.

Mismong ang Department of Science and Techonology (DOST) ang nagpopondo sa pag-aaral ni Alvero at ng kaniyang team na binubuo ng mga Pinoy. Bahagi ito ng "Tuklas Lunas" program ng DOST na naglalayong maghanap ng mga bagong gamot sa mga sakit na madalas kaharapin ng mga Pilipino.

"It's not a vaccine, it's not a herbal supplement. It is a drug that has an activity against the dengue virus. So sinasabi natin na kapag ininom ito ng pasyente gagaling 'yung kaniyang signs and symptoms, so iku-cure niya ang dengue," sabi ng duktor.

Gawa umano mula sa tatlong herbs o halamang endemic o likas na tumutubo sa Pilipinas ang tabletang naimbesto ng grupo ni Alvero.

Napatunayan na rin umano na ligtas inumin ang tableta at walang nakitang side effect sa mga gumamit nito. Gayunman, kailangan pa rin itong isailalim sa iba pang mga test para masubok ang bisa nito sa susunod na anim na buwan.

Pero sa ngayon, sinabi niAlvero na nasa 100% ang bisa ng gamot para pagalingan ang mga nagka-dengue, pati na ang mga may komplikasyon.

Sa ngayon, wala pang ibinigay na presyo sa tableta.

"Nu'ng ginawa namin ito ang iniisip namin is para tumulong. 'Yung cost nito would be less than the cost na ginagastos ng isang pasyente kung siya ay may mild na dengue 'pag siya ay mag-consult sa clinic o mas lalo siyang mas mababa kaysa du'n sa mga pasyente na nagpunta sa ospital para magpa-confine," ani Alvero.

Naniniwala ang DOH sa malaki ang potensyal ng gamot para solusyunan ang problema sa dengue sa bansa.

"Hindi naman nila itutuloy sa phase 2 and 3 clinical trials 'yan kung hindi maganda 'yung resulta. Mukhang very promising naman talaga siya," sabi ni Usec. Eric Domingo, DOH.--Jamil Santos/FRJ, GMA News