Nagbabala sa publiko ang Department of Health nitong Martes na huwag kainin ang mga isdang nanggaling sa Taal Lake dahil posibleng magdulot ito ng food poisoning.

Ang babala ay ginawa ni DOH Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana bunga ng banta ng fishkill dahil sa mataas na sulfur content sa lawa sanhi ng pagputok ng Taal Volcano.

“Definitely meron po tayong mga advisory na lahat ng nanggagaling dIyan sa area ng Taal at Batangas, dapat po talaga, wala nang bibili," pahayag ni Laxamana sa pulong balitaan sa Malacañang.

"Kasi hindi po natin maaasahan ‘yung safety ng ating mga mamamayan,” dagdag niya.

Posible umanong magdulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang pagkain ng kontaminadong isda.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, nasa 6,000 fish cages ang maaaring mapinsala dahil sa high sulfur content na dulot ng pagputok ng bulkan.

Kabilang sa mga apektadong isda sa lugar at mga tilapia at ang paborito ng marami na tawilis.

Tinataya ng BFAR na posibleng umabot sa 15,033 metriko tonelada ng isda ang maaapektuhan. —FRJ, GMA News