Inamin ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Martes na umaatras ang mga crematorium na asikasuhin ang bangkay ng turistang Chinese na kauna-unahang infected ng novel coronavirus na nasawi sa Pilipinas.
Ayon kay Duque, noong una ay pumayag daw ang mga crematorium, ang iba sa kanila ay pag-aari ng mga Tsino, na tanggapin ang trabaho pero nagbago ang isip.
“We’ve been struggling. There are many groups who initially said they will cremate, they will bury (the corpse) in a Chinese cemetery, only to find out later on that they changed their minds,” sabi ng kalihim sa panayam ng CNN Philippines.
“It is very unfortunate,” dagdag ni Duque.
Bagaman karaniwan umanong namamatay ang microorganisms kapag namatay na ang taong kinalalagyan nila, aminado si Duque na hindi pa nila alam kung gaano katagal mabubuhay ang nCoV kapag pumanaw na ang taong infected ng virus.
“The new virus needs further characterization,” sabi ng kalihim.
Aminado rin si Duque na walang contingency plan ang DOH kung papaano pamamahalaan ang paglilibing sa bangkay na nCoV-infected, lalo na kung tumatanggi ang mga punerarya na magbigay ng kanilang serbisyo.
Una rito, inihayag ng DOH na dalawa na ang kompirmadong kaso ng nCoV infections sa Pilipinas, at isa rito ang nasawi. Mayroon namang 80 katao ang persons under investigation (PUIs).--FRJ, GMA News
