Isang 60-anyos na babaeng Chinese na ikatlong kumpirmadong kaso ng novel coronavirus (nCoV) infection sa Pilipinas. Pero ang pasyente, nasa China na dahil pinayagan siyang makauwi noong Enero 31 dahil "negatibo" ang resulta ng unang  dalawang pagsusuri na ginawa sa kaniya.

Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo, na dumating sa Cebu City mula sa Wuhan, China via Hong Kong ang pasyente noong Enero 20.

Mula sa Cebu, nagtungo ang Chinese sa Bohol. Pagkaraan ng dalawang araw, nakaranas siya ng lagnat at ubo kaya nagpatingin siya sa isang pribadong ospital sa lalawigan at naratay.

Ayon kay Domingo, batay sa kinuhang "sample" sa pasyente noong Enero 24 na ipinasuri sa Australian laboratory at Research Institute for Tropical Medicine (RITM), parehong "negatibo" sa nCoV ang resulta sa kaniya.

Kaya naman pinayagan siyang makalabas ng ospital at nakabiyahe pabalik ng Shenzhen, China noong Enero 31.

Pero bukod sa sample na kinuha sa pasyente noong Enero 24, may sample din na kinuha sa kaniya noong Enero 23, na sinuri ng RITM. Nang lumabas ang resulta noong Pebrero 3, lumitaw na "positibo" sa nCoV ang dayuhan.

Paliwanag ni Domingo, ang magkaibang resulta ng pagsusuri sa sample ng pasyente ay maaaring dahil sa magaling na ang pasyente noong Enero 24.

Maayos umano ang lagay ng kalusugan ng pasyente nang umalis siya ng bansa.

Gayunman, aalamin ngayon ang kalagayan ng mga taong nakasalamuha at nakalapit sa pasyente habang nasa Pilipinas.

"The Bureau of Quarantine and Epidemiology Bureau are coordinating with the concerned airlines while the Central Visayas Center for Health Development is in coordination with the hotel where the patient stayed and the hospital where she was confined," ayon kay Domingo.

Idinagdag ng opisyal na nagsasagawa na "contact tracing" ang mga awtoridad.

Pero hindi na raw kailangan alamin pa kung sino ang mga nakasalamuha niya pabalik ng China dahil magaling na ang pasyente.

Ayon pa kay Domingo, walang sintomas ng sakit na nakita sa pasyente nang dumating siya sa paliparan ng bansa noong Enero 20 pero posibleng taglay na niya ang virus mula sa China.

Hanggang nitong tanghali ng Miyerkules, mayroon 133 katao na minomonitor dahil sa posibilidad ng nCoV. Sa naturang bilang, 115 ang nasa ospital at nakalabas na ang 16.

Sinabi rin ni Domingo na wala pang kaso ng human-to-human transmission ng nCoV sa Pilipinas. — FRJ, GMA News