Pustahan sa basketball na nauwi sa pikunan ang naging mitsa ng rambol sa Santa Cruz, Maynila. Isang lalaki naman ang aawat lang sana ang napagbuntunan at kinuyog.

Ayon sa eksklusibong ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, na-hulicam sa CCTV ang sapakan ng dalawang player noong Sabado ng hapon.

Kita rin ang pagsaway ng isang lalaking nakaputing shorts, pero dahil mataas na masyado ang tensyon ay pati siya ay napagbuntungan ng galit.

Limang dire-diretsong suntok ang tumama sa lalaking kinilala bilang si Joshua Florentino. Maya-maya, kinuyog na siya at ang isa pa niyang kasamahan. Pero si Joshua ang napuruhan dahil binato pa siya ng bola at binugbog hanggang sa mawalan siya ng malay.

Kahit walang malay ay pinaulanan pa rin siya ng mga tadyak at hinampas pa ng lata na may semento.

Nakaligtas si Joshua sa kapahamakan pero tadtad siya ng mga sugat at pasa. Tinahi rin ang likuran ng kaniyang ulo.

Kuwento ng kasamahan ni Joshua, hindi pa sila tinulungan ng tricycle driver na tropa ng mga nambugbog sa kanila.

Pina-blotter na nina Joshua ang hindi bababa sa 10 nambugbog sa kanila pero hindi pa nila matukoy ang marami sa kanila. Natatakot din silang baka magtago na ang mga sangkot sa pagkuyog.

Ipatatawag na ng barangay ang mga tinuturo ng mga saksi na sangkot sa gulo. —KBK, GMA News